Litratong Pinoy #14: Nalasing sa gabing madilim

Paminsan-minsan, kasama ng aming mga kaibigan, kami ay namamangka sa moat tonle (riverside). Sa halagang $8-10 kada oras na arkila sa bangka, maaring ikutin ang Chroy Changvar na kaharap lamang ng Royal Palace. Ang bangkang de-motor ay kayang magsakay ng hanggang 50 katao at ito’y kumpleto sa pagkain at mga inumin. Sa aming pamamangka ng gabing iyon, tahimik ang lahat at ang tunog lang ng motor ng bangka ang maririnig. Madilim ang gabi dahil walang buwan, at ang mga ilaw sa mga kabahayan ay mistulang mga kutitap na nagkikislapan sa kalayuan.

Nakaka-isang shot pa lang ako ng inumin (cocktail) nang mapadaan kami sa Royal Palace. Dahil sa kadiliman, mas lalong tumingkad ang ilaw na nakapalamuti sa palasyo.

beforedrinks

Sa gitna ng aming paglilibot at kwentuhan, di ko na namalayang naka-ilang shot na ako ng inumin. Ako po’y di naman talaga manginginom, subalit nung gabing iyon ako ay nadala. Marahil ito ay dahil sa kagandahan ng dilim na nakapalibot sa amin at ang kaaya-ayang tanawin at panahon. Kaya naman, dahil sa dami ng nainom, ganito na ang aking paningin sa Royal Palace nang ito’y aming madaanan pauwi:

afterdrinks

Na-lashing na ako. Sharap kashing mamangka sha gabing madilim. hik.

Litratong Pinoy #4: Tubig (Water)

Ito ang Boeung Tonle Sap, o Great Lake, na matatagpuan dito sa Cambodia. Kung titingnan ninyo ang mapa ng Cambodia, ito ay napaka-prominenteng yamang tubig sa Cambodia at napapaligiran nito ang limang probinsya. Ang Tonle Sap ay itinuturing na isa sa mga pinakamalaking freshwater lake sa Asya, at, noong taong 1997, dahil ito ay isang ecological hotspot, idineklara itong biosphere na protektado ng UNESCO.


*Map from Wikipedia.

Kung tayong mga Pinoy ay tinanong kung ilang isla mayroon ang Pilipinas, binabalik natin ang tanong kung ito ba ay base sa high tide o low tide. Dito sa Cambodia, kung ako’y inyong tatanungin kung gaano kalaki ang lawang ito, tatanungin ko rin kayo ng “dry season o wet season“? Bakit kamo? Dahil ang Tonle Sap Lake ay may sukat na 2,500km2 at may lalim na isang metro lamang kung dry season. Subalit, kapag panahon ng tag-ulan o wet season naman, ang Tonle Sap ay lumalaki. Dahil sa tinatawag na reversal flow ng Mekong river na kung saan konektado ang Tonle Sap, lumulobo ang Tonle Sap, humigit-kumulang sa 16,000km2 at may lalim na umaabot ng 9m. Ang tubig galing sa Mekong ay tumutulak pabalik patungo sa Tonle Sap at umaapaw sa mga taniman ng palay at forests, tulad ng litrato sa ibaba:

hidden kingdom copy

Isa itong unique hydrological phenomenon sa Cambodia. Dahil dito, ganito ang itsura ng karamihan sa mga villages na nakapalibot o malapit sa Tonle Sap:

Floating Village, Prek Toal copy

Ang litratong ito ay kuha sa Prek Toal sa Siem Reap noong nakaraang mga taon. Nagkataong rainy season ang pagbisita namin sa Prek Toal kung kaya’t inyong nakikita ay isang floating village. Kung dry season naman ang mga bahay na ito ay nakaupo sa mga mala-higanteng stilts. At kahit na taun-taon na sila’y napapaligiran ng tubig-baha, tuloy pa rin ang buhay para sa mga Cambodians…

lake of serenity

Para sa karagdagang kaalaman ukol sa Tonle Sap lake, maraming online resources ukol dito, tulad na lamang dito.